Ang mga awtoridad ay nagsagawa ng operasyon sa Clark Freeport Zone at nadismantle ang isang cryptocurrency scam at ilegal na POGO. Ayon kay P/Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones, 27 Tsino (22 lalaki at 2 babae) ang naaresto at 8 Pilipina na umano’y biktima ng grupo ang nailigtas sa Asian Greenville Resort sa Barangay Jose Abad Santos, Mabalacat City.
Armado ng mission order mula Bureau of Immigration, nahuli ang mga suspek na nagpapatakbo ng online cryptocurrency investment scam. Isang oras lang matapos ang unang raid, sinundan ito ng operasyon sa Unit 31, Clark Hills Village D sa Sacobia Street kung saan tatlong Tsino pa ang nahuli na sangkot sa phishing at online fraud.
Nasamsam ang maraming computer, gadgets, at iba pang electronic devices. Kasalukuyan itong sinusuri para malaman ang lawak ng operasyon ng sindikato. “Patunay ito ng aming mas pinaigting na kampanya laban sa transnational cybercrimes at ilegal na POGO,” ayon kay Peñones.
Patuloy ang imbestigasyon sa network na sangkot sa scam. Samantala, ang mga nailigtas na kababaihan ay binibigyan ng tulong at proteksyon. Ang mga naarestong dayuhan ay kakasuhan ng human trafficking, cybercrime, at paglabag sa immigration laws.