
Ang Department of Education (DepEd) ay nagpatupad ng mas mahigpit na patakaran laban sa bullying sa mga paaralan sa pamamagitan ng Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Bullying Act of 2013. Layunin nito na mapatibay ang pagpapatupad ng batas at masigurong may pananagutan ang lahat ng paaralan sa bansa.
Pinirmahan ni Education Secretary Sonny Angara ang bagong IRR ng Republic Act 10627 na nag-aatas sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, kabilang ang community learning centers at DepEd-supervised overseas schools, na magpatupad ng standard na anti-bullying policy.
Ayon kay Angara, ang paaralan ay dapat maging lugar ng pagkatuto at hindi ng pang-aapi. Ipinunto rin niya na ang bullying ay nagdudulot ng pagliban sa klase, mababang grado, at pag-dropout ng mga estudyante. Kaya mahalaga na matugunan ang ganitong asal upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon.
Sa ilalim ng bagong IRR, inaatasan ang mga paaralan na magkaroon ng school-wide prevention programs, maagang interbensyon, at malinaw na proseso para sa mga reklamo. Nilinaw din ang mga tungkulin ng school heads, guro, magulang, at mga mag-aaral upang masigurong walang reklamo ang mapapabayaan. Itinalaga rin ang Learner Formation Officer bilang unang hahawak ng reklamo at magko-coordinate ng mga kinakailangang aksyon.
Kasama rin sa patakaran ang pagbibigay ng malinaw na gabay laban sa bullying sa student handbooks at paglalagay ng mga ito sa mga lugar na madaling makita ng mga mag-aaral. Sisiguraduhin ng DepEd na gumagana ang Child Protection Committees sa bawat paaralan at magbibigay ito ng tulong teknikal kung kinakailangan. Ang bagong patakaran ay ilalathala sa Official Gazette at ipapamahagi sa lahat ng opisina ng DepEd.