Ang DepEd ay nag-anunsyo ng plano para sa make-up classes matapos ang isang linggong suspensyon ng klase na dulot ng malakas na ulan, pagbaha, at sunud-sunod na bagyo. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malaki ang magiging epekto kung hindi magdaraos ng make-up classes.
“Plano natin ang make-up classes para hindi mahuli ang ating mga estudyante. Kung wala nito, malaking kawalan para sa kanila,” ayon kay Angara sa isang ambush interview.
Matatandaan na sinuspinde ang klase mula Lunes hanggang Sabado noong nakaraang linggo dahil sa malalakas na pag-ulan na nagdulot ng pagbaha sa maraming lugar. Bumalik lamang sa normal ang klase nitong nakaraang Lunes.
Nilinaw ni Angara na nakadepende sa paaralan at sa schedule ng mga guro kung paano isasagawa ang make-up classes. Maaaring magdagdag ng oras sa weekdays o magsagawa ng Saturday classes.
Dagdag pa niya, isasaalang-alang ang pahinga ng mga guro habang pinaplano ang schedule para hindi sila mapagod.