Ang NABA Intercity (North American Basketball Inter-City) ay magsasagawa ng kanilang annual intercity tournament sa US Labor Day weekend sa Spookynook Sports, Manheim, Pennsylvania. Ang tatlong-araw na event, mula Agosto 29-31, ay tinuturing na parang mini-Olympics ng Filipino community sa North America.
Mahigit 5,000 athletes na may dugong Pinoy at kanilang pamilya ang inaasahang dadalo sa taunang paligsahan. Ayon kay NABA President Champ Albano, higit 170 basketball teams at 50 volleyball teams ang lalahok ngayong taon. Layunin ng event na magsilbing pipeline para sa Filipino-American at Filipino-Canadian talents na gustong maglaro sa Pilipinas.
Itinatag noong 1989 nina Dr. Ronald Damasco, Coach Larry Albano, Dr. Sonny Albano, at Isagani Gregorio, ang NABA Intercity ay nakapag-produce na ng maraming PBA players at college stars tulad nina Kelly Williams, Eric Menk, at kasalukuyang Ginebra guard Paul Garcia. Dagdag pa ni Albano, bukod sa laro, ito ay panahon para magkita-kita, magkamustahan, at magdiwang ng pagka-Pinoy.
Ngayong taon, Clifton Tigers ang magiging co-host, pinangunahan ni Lizette Singson, asawa ng dating PBA star Dale Singson. Tiniyak niya na bawat team ay may guaranteed 4 games, para mas maraming pagkakataon na maipakita ang galing ng mga manlalaro. Bilang miyembro ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, sumusunod din ang torneo sa FIBA rules.
Ang NABA ay mahigpit sa eligibility ng mga manlalaro at sinisigurong may tunay na Filipino lineage. Bukod sa kompetisyon, malaking bagay ang event na ito para sa pagkakaisa, camaraderie, at pagpapakita ng talento ng Pinoy sa sports.