
Ang tatlong magpipinsan ay nasawi matapos tumaob ang sinasakyan nilang tricycle sa Anda, Pangasinan nitong Lunes ng gabi, Hulyo 28.
Ayon sa imbestigasyon ng Anda Municipal Police Station, binabaybay ng tricycle ang provincial road sa Barangay Mal-ong nang iwasan nito ang panambak na lupa sa gilid ng kalsada. Sa pag-iwas, nasakop nito ang kabilang linya at bumangga sa paparating na motorsiklo.
Patay agad ang tatlong sakay ng tricycle na magpipinsan. Dalawa sa kanila ay edad 24 at isa ay 31. Ayon pa sa pulis, bago ang aksidente ay nag-inuman ang mga biktima at papunta sana sa lugawan. Samantala, pauwi na sa bayan ng Burgos ang sakay ng motorsiklo.
Sinabi ng pulisya na paliko ang kalsada at madilim ang lugar dahil brownout nang mangyari ang insidente. Nais ng pamilya ng mga biktima na kasuhan ang may-ari ng panambak na lupa sa gilid ng kalsada. Ang reklamo ay posibleng i-endorso sa prosecutor's office.
Sa ngayon, nakaburol na ang mga biktima sa kanilang bahay. Ang sakay ng motorsiklo ay nagtamo ng pinsala at kailangan lagyan ng bakal ang binti dahil sa natamong injury.