Ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay nakahuli ng pekeng iPhones at gadgets na nagkakahalaga ng higit P121 milyon sa isinagawang raid sa Parañaque City.
Ayon sa ulat na natanggap ni CIDG chief PBGen. Romeo Macapaz, dalawang suspek na kinilala bilang alyas “Crissa” at alyas “Charles” ang nahuli habang nagbebenta ng pekeng iPhones, Apple Watches, at cellphone accessories sa isang compound sa Brgy. Tambo.
Nabatid na nakatanggap ng intelligence report ang CIDG tungkol sa ilegal na negosyo ng mga suspek kaya ikinasa ang operasyon. Nabigo ang dalawa na magpakita ng NTC clearance at DTI registration para sa kanilang paninda.
Kabilang sa mga nakumpiska ang 225 Apple Watches, 531 MagSafe chargers, 4,580 AirPods, 2,652 charger adaptors, 6,664 charger sets, 1,033 iPhone accessories, 1,740 charging cords, at isang iPhone 16 unit. Mayroon ding Beats Solo headphones, car chargers, hair dryers, earphones at handheld fans.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Consumer Act of the Philippines (RA7394) dahil sa pagbebenta ng pekeng produkto.