
Ang International Criminal Court (ICC) ay nagdesisyong ipagpaliban ang kanilang pasya sa kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng pansamantalang paglaya. Ito ay para bigyan ng mas mahabang oras ang kanyang kampo upang magsumite ng karagdagang impormasyon.
Ayon sa ICC, nais nilang masigurong may sapat na detalye bago magdesisyon kung papayagan si Duterte na pansamantalang lumaya habang patuloy ang pagdinig sa kanyang kaso. Ang tatlong hukom ng chamber ay nagkasundo na ipagpaliban muna ang pasya, bagamat isa sa kanila, si Judge María del Socorro Flores Liera, ay may bahagyang pagtutol.
Matatandaang naghain ng kahilingan si Duterte noong Hunyo 12, na nakabatay sa humanitarian grounds dahil sa kanyang edad na 80. Mariing tinutulan ito ng Prosecution noong Hunyo 23 at ng Office of Public Counsel for Victims (OPCV) noong Hunyo 25. Sinundan ito ng iba’t ibang tugon at dokumento mula sa magkabilang panig hanggang Hulyo.
Noong Hulyo 14, naghain ng urgent request ang depensa upang ipagpaliban ang desisyon, humihiling ng mas mahabang oras para makapaghain ng mga karagdagang ebidensya at ibang kinakailangang proseso. Sa ngayon, wala pang tiyak na petsa kung kailan muling magpapasya ang ICC.