Ang mga pamilya ng mga nasawi sa Jeju Air crash ay nagpahayag ng matinding pagtutol sa ulat ng gobyerno na sinisisi ang piloto sa nangyaring trahedya. Ayon sa kanila, hindi patas ang report at kulang sa malinaw na paliwanag.
Ayon sa initial investigation, galing sa Thailand ang Boeing 737-800 at papunta sa Muan Airport noong Disyembre 29, 2024, nang bumagsak ito at sumabog matapos bumangga sa concrete barrier. Umabot sa 179 katao ang namatay — ang pinakamatinding crash sa South Korea sa mga nakaraang taon.
Sa ulat, sinabi na may bird strike na tumama sa kanang engine ng eroplano. Ngunit ang piloto umano'y nagkamali at pinatay ang kaliwang engine, na nagdulot ng total power loss at hindi gumana ang landing gear. Ayon sa mga pamilya, hindi pa nila naririnig o nakikita ang cockpit voice recorder at flight data recorder, kaya hindi sapat ang batayan ng ulat.
Sinabi ni Kim Youn-mi, kinatawan ng mga pamilya, na may karapatan silang malaman ang buong katotohanan at humiling sila ng mas transparent na imbestigasyon. Tumutol din ang Jeju Air Pilots' Union sa report at tinawag itong “malisyosong pagbibintang” laban sa piloto.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng South Korean at US authorities. Bukod sa bird strike, sinisilip din ang posibilidad ng depektibong landing gear at ang pagkakaroon ng barrier sa runway. Target mailabas ang final report sa Hunyo 2026.