Ang mga doktor ay nagbabala laban sa leptospirosis habang patuloy ang malalakas na ulan at pagbaha sa bansa. Ayon sa Pediatric Nephrology Society of the Philippines, delikado ito lalo na sa mga batang nalulubog sa baha na maaaring kontaminado ng ihi ng daga o hayop.
Puwedeng makapasok ang bacteria sa katawan sa pamamagitan ng mga sugat o gasgas sa balat na nababad sa baha. Ilan sa mga sintomas ng leptospirosis sa mga bata ay lagnat, pananakit ng tiyan, pamumula ng mata, paninilaw ng balat, kakaunting pag-ihi, at hirap sa paghinga.
Pinapayuhan ang mga magulang na dalhin agad sa health center ang mga batang nalubog sa baha kahit isang beses lang. Mahalaga ang agarang gamutan para maiwasan ang komplikasyon.
Ayon sa mga eksperto, kahit walang sugat sa paa, mainam na uminom ng 2 tableta ng Doxycycline 100 mg sa loob ng 24 oras matapos lumusong sa baha. Libre ito sa mga health center kaya ‘wag nang ipagsawalang-bahala.
“Ingat tayo, huwag na tayong dumagdag sa bilang ng may leptospirosis. Kumonsulta agad kung may sintomas,” dagdag pa ng Pediatric Nephrology Society.