
Ang Meta ay nagsimula nang linisin ang Facebook ng mga influencers na nagtutulak ng illegal online gambling. Ayon sa grupong Digital Pinoys, 20 Facebook pages na pinamumunuan ng influencers ang tinanggal na ng Meta matapos ang kanilang request kasama ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Kabilang sa mga tinanggal na page ay ang kina Boy Tapang (5.5M followers), Sachzna Laparan (9.7M followers), Kuya Lex TV (100K followers), at Mark Anthony Fernandez (242K followers). Lahat sila ay iniulat na nagpo-promote ng online sugal sa kanilang malaking audience.
Ayon kay Ronald Gustilo ng Digital Pinoys, pinasalamatan nila ang Meta sa mabilis na aksyon. Dagdag niya, may mga influencer na binalaan na noong July 11 ngunit hindi sumunod, iniisip na bluff lang ang CICC. Ngayon, kailangan nilang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan.
Naglabas din ng utos ang PAGCOR na tanggalin ang mga ads ng online gambling sa mga billboard, tren, bus, jeepney at taxi bago ang August 15. May ilang mambabatas na rin ang nagsusulong ng mga panukala para higpitan o tuluyang ipagbawal ang online gambling.
Ayon naman sa ilang operator, hindi kailangan ng total ban—ang kailangan ay mas mahigpit na regulasyon. Pero malinaw, sabi ng CICC, na oras na para matigil ang paggamit ng social media sa pagkalat ng ilegal na sugal.