Ang magkasintahan ay nahuli sa isang convenience store sa Parañaque nitong Sabado ng umaga dahil sa pagbebenta ng pekeng electronic gadgets at cellphone accessories. Ayon sa CIDG, isinagawa ang entrapment operation at nakumpiska ang tinatayang P121 milyon halaga ng mga pekeng produkto.
Sabi ni Barangay Tambo Kagawad Darwin Morit, nadakip ang dalawang Pilipino na may dalang 31 cellphone units na nagkakahalaga ng P955,650. Ipinakita rin nila kung saan nakatago ang ibang mga gamit. Hindi rehistrado ang produkto sa Customs at wala ring business permit ang pinagmulan ng negosyo, na sinasabing pag-aari ng isang Chinese national.
Dagdag ni Morit, ibinababa ang presyo ng mga smuggled items kaya’t mas mabili ito kaysa sa orihinal. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang iba pang kasabwat sa ilegal na gawain.
Depensa ng babaeng suspek, 28 taong gulang, hindi niya alam na ilegal ang operasyon. Aniya, office staff ang trabaho na inaplayan niya pero sa aktwal ay sa bentahan pala ng ilegal na gadgets siya na-assign. Umalis na raw sa bansa ang Chinese na amo noong Hulyo 15.
Hindi nagbigay ng pahayag ang kanyang nobyo na naghatid sa kanya sa pinangyarihan. Kasalukuyang nasa custody ng CIDG ang dalawa at sasampahan ng kaso sa ilalim ng Consumer Act of the Philippines. Patuloy rin ang paghahanap sa Chinese national na sangkot sa krimen.