Ang isang Grade 10 student ay nahuli sa isang buy-bust operation sa Barangay Tungod, Inabanga, Bohol noong gabi ng Hulyo 17. Sa ulat ng Bohol Police Provincial Office (BPPO), sinabi nilang isa itong high-value target sa kalakaran ng ilegal na droga.
Ang suspek ay 22 taong gulang at taga-Barangay Mantatao, Calape, Bohol. Ayon sa pulisya, matagal na itong sinusubaybayan. Nahuli siya habang nagbebenta ng isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon.
Ayon kay PCOL Arnel Banzon, ang operasyon ay isang malaking tagumpay sa laban kontra droga. Aniya, ito ay malinaw na babala sa mga patuloy pa ring sangkot sa ilegal na droga sa probinsya ng Bohol.
Sinabi rin ni PLTCOL Norman Nuez, tagapagsalita ng BPPO, na magpapatuloy ang walang tigil na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga. Ayon sa ulat, nakakapag-distribute umano ang suspek ng isang kilo ng shabu kada linggo.
Iniimbestigahan pa ng pulisya kung saan galing ang mga ilegal na droga. Hinihikayat nila ang publiko na magtiwala at makipagtulungan para tuluyang masugpo ang droga sa Bohol.