Ang Pasig City ay nagdeklara ng red alert noong Lunes, Hulyo 21, matapos tumaas ang tubig sa Wawa Dam dahil sa tuloy-tuloy na ulan mula sa habagat, ayon kay Mayor Vico Sotto. Mula 8 a.m. hanggang 12 p.m., tumaas ng 1.22 metro ang tubig at umabot sa 134.06 meters, halos abot na sa critical level na 135 meters.
Sa Facebook post ni Mayor Sotto, sinabi niyang binabantayan nila ang Wawa Dam dahil malapit na ito sa overflow level. Kapag umapaw ito, tiyak na tataas din ang Marikina River, na dumadaloy sa mga barangay sa Pasig.
Bandang 1:53 p.m., itinaas na sa second alarm ang alerto matapos umabot sa 16.20 meters ang tubig sa Marikina River. Ayon sa alkalde ng Montalban na si Ronnie Evangelista, nagsimula nang mag-spill over ang Upper Wawa Dam, kaya mas nararamdaman na ang pagtaas ng baha sa Marikina at kalapit na lungsod.
Barangay Santolan at Sta. Lucia ang posibleng unang tamaan ng pag-apaw. Naka-alerto na rin ang mga barangay sa paligid ng floodway. Pinayuhan ang mga residente na manatiling kalma at sumunod agad kung sakaling may evacuation na ipatupad.
Naglabas ang PAGASA ng orange rainfall warning sa Metro Manila at mga karatig-probinsya tulad ng Rizal, Bulacan, at Cavite, bilang babala sa matinding ulan at posibleng malawakang pagbaha. Suspendido na ang klase at trabaho sa gobyerno simula 1 p.m. sa mga apektadong lugar.