
Ang Department of Education (DepEd) ay opisyal na naglunsad ng Expanded School-Based Feeding Program (SBFP) sa Juan Sumulong Elementary School sa Antipolo, Rizal. Ang programa ay tatagal ng 120 araw, doble sa dating 60-araw na feeding program noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mas madaling matuto ang mga bata kapag may sapat na nutrisyon. Kaya’t hindi na kailangang hintaying magutom o magkasakit sila bago kumilos. Tinuturing ng DepEd ang programang ito bilang pamumuhunan sa kalusugan, edukasyon, at kinabukasan ng mga kabataan.
Ngayong taon, lahat ng kindergarten pupils sa mga pampublikong paaralan ay kasama na sa feeding program—hindi lang ang mga undernourished. Bukod sa mga kinder, kasama rin sa programa ang mga batang Grade 1 hanggang 6 na tinuturing na “severely wasted” at “wasted.” Mga mainit na pagkain at fortified food ang ibinibigay sa tinatayang 3.4 milyong bata.
Dahil dito, bumaba ang bilang ng severely wasted kindergarten students mula 113,451 noong nakaraang taon, sa 47,281 ngayong taon. Sa Region II at Region XI, nabawasan ng halos 80% ang kaso ng matinding malnutrisyon. Nakita rin ng mga guro ang pagtaas sa class participation, energy level, at alertness ng mga bata.
Upang masuportahan ito, may 74 central kitchens na ang nakatayo para mas mabilis ang food preparation at distribution. Mahigit 44,000 paaralan din ang kalahok sa Gulayan sa Paaralan Program na nagbibigay ng sariwang gulay at nutrisyon education sa mga estudyante.