Ang isang sanggol ay namatay matapos iwan ng kanyang ina sa loob ng mainit na sasakyan sa loob ng dalawang oras. Nangyari ito habang si Maya Hernandez, 20 taong gulang mula sa California, ay nagpapa-lip filler injection sa isang spa. Ayon sa ulat, umabot sa 101°F ang init sa labas noon.
Kasama ng sanggol ang kanyang 2 taong gulang na kapatid, na nakaligtas at kasalukuyang nasa ospital at nagpapagaling. Si Hernandez ay nahaharap sa involuntary manslaughter at dalawang kaso ng willful cruelty to a child. Ayon sa ulat, hindi siya kumuha ng abogado at nagpasok ng not guilty plea sa korte.
Inamin ni Hernandez sa pulis na mali ang kanyang ginawa, ngunit wala siyang malinaw na dahilan kung bakit iniwan ang mga anak. Sinabi niyang iniwan niya ang mga ito sa sasakyan na naka-aircon, may baon na candy, crackers, gatas, at isang cellphone para manood ng video.
Hindi niya na-check ang mga bata sa loob ng dalawang oras habang nasa spa. Pagbalik niya, nakita niyang ang isang bata ay bumubula ang bibig at nanginginig. Tinangka niya itong isalba gamit ang mouth-to-mouth resuscitation at agad na tumawag ng 911.
Pagdating sa ospital, ang sanggol ay may internal temperature na 107°F at wala nang buhay. Ang kapatid naman ay may 99°F na temperatura at nakakain at nakakainom pa. Siya ngayon ay ligtas at nasa pangangalaga na ng mga awtoridad.