Ang kasiyahan ng apat na kabataang hiker ay nauwi sa trahedya sa Budlaan Falls, Cebu City noong Sabado, Hulyo 12. Habang naglalakad sa paligid ng Butuanon River, biglang tumaas ang tubig at nag-overflow, dahilan para sila'y ma-stranded.
Isa sa kanila, isang 21-anyos na lalaki mula Barangay Kamputhaw, ay nalunod matapos tangayin ng malakas na agos. Agad siyang dinala sa ospital pero dead on arrival na ito ayon sa mga awtoridad.
Ang tatlong hiker naman ay nasagip ng Special Rescue Force ng BFP-7 matapos silang matagpuan sa mga malalaking bato sa tabi ng talon. Gumamit ng rope bridge ang mga rescuer para mailigtas sila kahit sa gitna ng masamang panahon.
Ayon sa imbestigasyon, dalawang grupo raw ng hiker ang humingi ng tulong sa awtoridad. Ang biktimang nalunod ay kabilang sa ibang grupo na galing Cordova.
Pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na makipag-ugnayan sa barangay o kumuha ng tour guide kung maghihiking sa mga bundok o talon, upang masigurong ligtas ang biyahe.