
Ang Game 1 ng PBA Season 49 Philippine Cup Finals ay natapos sa kontrobersiya matapos binawi ang dunk ni Mo Tautuaa sa huling 56 segundo ng laban. Nasa likod ang San Miguel Beermen sa iskor na 97-96, nang subukan ni Tautuaa mag-dunk para kunin ang lamang. Pumasok ang bola, pero hindi agad na-anunsyo ang tawag.
Ayon kay PBA Deputy Commissioner Eric Castro, ito ay itinuturing na basket interference. Paliwanag niya, "Kapag hinila ng offensive player ang ring o napayanig ang board at dahil dito pumasok ang bola, violation ito." Sa replay, kita raw na nahila ni Tautuaa ang ring pababa pagkatapos ng dunk, kaya hindi na ito pinayagan bilang puntos.
Ang Technical Committee ay nagdesisyon lamang sa huling 13 segundo ng laro, dahil doon lang nagkaroon ng dead ball. Dagdag pa ni Castro, "Kahit walang dead ball agad, puwede pa rin namin baguhin ang tawag kung may violation gaya ng goaltending o interference."
Ipinaliwanag din ni Castro kung kailan maituturing na valid ang isang dunk: "Kung pumasok muna ang bola bago hawakan ang ring, okay lang. Pero sa kasong ito, may hila sa ring habang hindi pa pumapasok ang bola." Nilinaw din niya na ito ay ayon sa FIBA rules, at hindi lamang patakaran ng PBA.
Ang kontrobersyal na tawag ay naging mahalaga sa resulta ng laro, dahil dito, hindi nakuha ng Beermen ang lamang. Sa gitna ng init ng Finals, mas lalong naging usap-usapan ang naging tawag at kung paano ito nakaapekto sa laban.