Ang isang babaeng High-Value Individual (HVI) ay nahuli sa isang buy-bust operation sa Brgy. Tikay, Malolos City, Bulacan. Ayon sa ulat ng pulisya, ang operasyon ay isinagawa pasado alas-12:20 ng madaling araw ng Bulacan PNP at Malolos City Police Station.
Nakumpiska mula sa 27-anyos na suspek ang isang maliit at isang malaking pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na 500.42 gramo. Tinatayang aabot sa P3,402,856 ang halaga ng nakumpiskang droga. Kasama rin sa mga ebidensiyang nakuha ang buy-bust money.
Dinala ang suspek at ang mga ebidensiya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa masusing pagsusuri. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang batas laban sa ilegal na droga.
Ayon sa pulisya, bahagi ito ng patuloy na kampanya kontra droga sa pamumuno ni PCol. Angel Garcillano at alinsunod sa utos ni PBrig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. Patuloy ang Bulacan PNP sa kanilang operasyon para masugpo ang kalakalan ng ilegal na droga sa probinsya.