
Ang isang 41-anyos na lalaki at tatlong taong gulang na bata ay nalunod sa magkahiwalay na insidente sa Quezon noong Hunyo 29 at 30, ayon sa pulisya.
Sa Barangay Mangero, San Andres, si “Jessie” ay naligo mag-isa sa dagat matapos ang inuman bandang alas-dos ng hapon. Habang lumalangoy, malakas na alon ang naghatak sa kanya papunta sa malalim. Ilang oras siyang hinanap ng kanyang mga kasama, hanggang sa makita ang kanyang katawan sa baybayin ng Barangay Pansoy. Pinaniniwalaang nalunod siya.
Sa Barangay San Juan, Panukulan, isang batang babae na si Neriah ang natagpuang palutang-lutang sa tubig-dagat sa likod ng kanilang bahay noong Linggo ng umaga. Agad siyang isinugod ng kanyang ina sa health center pero idineklarang patay na pagdating.
Parehong itinuring ng pulisya na insidente ng pagkalunod ang mga pangyayari. Ngunit ang labi ng bata ay sasailalim sa pagsusuri para matukoy ang totoong dahilan ng kanyang pagkamatay.