
Ang French police ay nagsasagawa ng imbestigasyon matapos ang kakaibang insidente sa Disneyland Paris, kung saan isang 9-anyos na batang Ukrainian ang ikinasal umano sa isang event na pinlano ng mga matatanda. Ayon sa ulat, hinire ang theme park at daan-daang extras para magmukhang totoo ang kasal.
Nadakip ang apat na katao, at dalawa sa kanila ay iniimbestigahan pa rin sa kasong panloloko at money laundering. Isa rito ay isang 22-anyos na lalaki na pinaniniwalaang British, at isang 24-anyos na babaeng Latvian. Samantala, pinalaya na ang ina ng bata at isa pang lalaki.
Ayon sa mga otoridad, walang pananakit o pamimilit na nangyari sa bata. Sabi ng ina, gusto lang niyang maranasan ng anak na maging isang "Disney princess" sa isang araw. Ang batang babae ay napansin ng staff na hirap lumakad sa mataas na takong, kaya agad silang tumawag ng pulis.
Lumabas rin sa imbestigasyon na nagbayad ang organizer ng €130,000 para sa event, gamit ang peke umanong dokumento. Isinampa na rin ang reklamo ng Disneyland sa nangyaring insidente.