Ang dalawang Filipina sa West Covina, California ay inaresto dahil sa umano’y $4.8 milyong hospice fraud. Kinilala sila bilang Normita “Normie” Sierra, 71-anyos, at Rowena “Weng” Elegado, 55-anyos. Pareho silang kinasuhan ng conspiracy at health care fraud matapos magpasa ng peking claims sa Medicare.
Si Sierra ay may-ari ng Golden Meadows Hospice Inc. at D’Alexandria Hospice Inc., at nahaharap sa 14 kaso kabilang na ang 9 na bilang ng health care fraud, conspiracy, at illegal kickbacks. Si Elegado naman ay kinasuhan ng conspiracy at 4 kaso ng pagbibigay ng ilegal na bayad para sa pasyente referrals.
Ayon sa imbestigasyon, mula 2018 hanggang 2022, nagbayad sila ng mga “marketer” na tinatawag na “girl scout cookies” para kumuha ng mga pasyenteng hindi naman terminally ill. Ang mga bayad ay umaabot ng $1,300 kada pasyente bawat buwan.
Umabot sa $4.8 milyon ang ipinasa nilang claims sa Medicare, kung saan $3.8 milyon ang naibayad. Si Relyndo Salcedo, isang nurse practitioner, ay inakusahan ding nagpalsipika ng kondisyon ng mga pasyente. Pareho na ring umamin sa kaso sina Salcedo at ang marketer na si Carl Bernardo.
Kapag napatunayang guilty, maaaring makulong si Sierra ng hanggang 10 taon kada bilang ng fraud, habang pareho silang posibleng makulong ng hanggang 5 taon para sa conspiracy at 10 taon para sa bawat ilegal na bayad.