
Ang Malacañang ay nagbigay ng 48 oras sa LWUA (Local Water Utilities Administration) para ipaliwanag kung bakit walang tumutulong tubig sa mga banyo ng ilang paaralan sa Bulacan. Ito’y matapos makita mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kalagayan ng CR sa Tibagan Elementary School sa San Miguel at Barihan Elementary School sa Malolos nitong Brigada Eskwela.
Ayon sa Pangulo, hindi mahirap ayusin ang mga banyo, pero ang mas malaking tanong ay bakit walang tubig. Kaya’t pinaiimbestigahan ngayon kung saan nagkulang ang serbisyo.
Sa press briefing, sinabi ni Press Officer Claire Castro na hindi ito simpleng aberya kundi isang isyu ng kalusugan at dignidad ng mga estudyante. Paano raw makakapag-aral ng maayos ang mga bata kung wala man lang tubig sa eskwelahan?
Inutusan ang LWUA na agad alamin kung sino ang dapat managot at kung paano maibabalik ang suplay ng tubig bago magsimula ang klase sa susunod na linggo.
Dagdag pa ni Castro, obligasyon ng pamahalaan na tiyaking may maayos na pasilidad ang bawat paaralan para masigurong dekalidad ang edukasyon ng mga Pilipino.