
Ang online investment scam hub sa Barangay San Roque, Antipolo, Rizal ay sinalakay ng mga otoridad, kung saan mahigit 70 katao ang inaresto. Nanguna sa operasyon ang PNP Anti-Cybercrime Group kasama ang SEC, Rizal Provincial Police, at Antipolo City Police.
Isinagawa ang raid gamit ang search warrant laban sa may-ari ng gusali na si alyas “Arthur”. Siya ay nahaharap sa paglabag sa Securities Regulation Code at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon sa PNP Anti-Cybercrime Group, matagal na nilang minamanmanan ang lugar simula pa noong nakaraang taon. Nakipag-ugnayan sa kanila ang isang Australian national mula sa IFW Global na nag-ulat ng investment scam na target ay mga banyagang biktima.
Kabilang sa mga inaresto ay ilang menor de edad na umano’y sangkot sa nasabing scam operation. Tiniyak ng PNP na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa online scam at iba pang ilegal na aktibidad.