
Ang DSWD ay nagbigay ng tulong kay Rose, ang babaeng nakita sa video na lumalabas mula sa isang kanal sa Makati City. Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, tatanggap si Rose ng P80,000 para makapagsimula ng sariling tindahan, na isa raw sa matagal na niyang pangarap.
Kasama rin sa plano ng ahensya ang pagtulong sa kanyang partner na si Jerome, na may kaalaman sa welding. Posibleng bigyan ito ng training at tulong sa pagbili ng welding machine para mas maging maayos ang kita nila bilang magpartner.
Habang namimigay ng tulong sa ibang walang tirahan sa Makati, sinabi rin ng DSWD na handang tumulong si Rose na hikayatin ang iba pang katulad niya na pumunta sa Pag-Abot shelter — isang programa para matulungan ang mga taong naninirahan sa lansangan.
Umani ng maraming reaksyon online ang video ni Rose noong Martes, kung saan siya ay nakita sa loob ng kanal. Nilinaw naman niya na hindi siya doon nakatira, at pumasok lamang siya para kunin ang nahulog na cutter blade. Ayon sa DSWD, dati siyang nangungupahan sa Pasong Tamo, Makati, kasama si Jerome.