Ang malagim na aksidente ay nangyari sa Batasan-San Mateo Road, Quezon City nitong Miyerkoles ng gabi, kung saan isang 18-wheeler truck ang nawalan ng preno at inararo ang limang sasakyan. Sa insidente, tatlong tao ang nasawi habang pito ang sugatan. Sa dashcam video, makikitang mabilis ang takbo ng truck bago ito tumagilid at tumilapon ang container van sa kalsada.
Ayon sa pulisya, kabilang sa mga tinamaan ng truck ay isang kotse, isang AUV, at tatlong motorsiklo. Tumama rin ito sa poste ng ilaw na naging sanhi ng matinding trapik sa lugar. Isa sa mga nasawi ay hindi pa nakikilalang lalaki, habang ang isa pa ay 38-anyos na naghihintay sa waiting shed. Ang ikatlong biktima ay isang 49-anyos na angkas ng motorsiklo na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Isang motorcycle rider ang nagtamo ng sugat sa mukha, kamay, at tuhod, habang ang driver ng kotse ay ininda ang sakit sa dibdib matapos mabangga. Ayon sa mga nakasaksi, sobrang bilis ng truck at tila nagliyab ang mga preno bago pa man ito bumangga. Sinabi ng truck driver na biglang pumalya ang preno kahit bagong ayos ito. Nanggaling siya ng Maynila at papunta ng Marikina para mag-deliver.
Humingi ng paumanhin ang driver at sinabing wala siyang intensyon na mangyari ito. Nasa kustodiya na siya ng QCPD at kakasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at damage to property.