
Ang Miss Grand International 2021 na si Nguyen Thuc Thuy Tien ay inaresto ng mga awtoridad sa Vietnam dahil sa diumano'y consumer fraud. Ayon sa ulat ng Public Security Newspaper, ipinromote ni Tien ang Kera Supergreens Gummies sa kanyang social media, at sinabi niyang mataas ito sa fiber—ngunit lumabas na halos wala pala, nasa 0.935% lang.
Kasama niyang nag-promote ang mga sikat na influencers na sina Pham Quang Linh at Hang Du Muc. Napag-alamang sila rin ang mga nasa likod ng kumpanyang naglabas ng produkto, kasama si Tien. Ipinakita nila ito bilang healthy candy na kasing sustansya raw ng isang platong gulay kada gummy.
Sa imbestigasyon, lumabas na 35% ng laman ng gummies ay sorbitol—isang artificial sweetener na may laxative effect—at may mga sangkap na hindi isinapubliko. Mahigit 135,000 packs ang naibenta sa halos 30,000 customers.
Matapos niyang manalo sa international pageant, naging endorser si Tien ng maraming brands. Noong Marso lang, siya pa ang kauna-unahang Vietnamese na naging Friend of the House ng Dior.
Ngayon, haharap siya sa mga legal na kaso kasama ang kanyang mga kasamahan dahil sa diumano’y panlilinlang sa publiko.