
Ang mga pulis sa mga lungsod tulad ng Manila at Angeles ay sasanayin sa basic Korean language para mas makausap at maprotektahan ang mga South Korean nationals at iba pang turista. Ito’y bahagi ng hakbang ng gobyerno upang mabawasan ang krimen na kinasasangkutan ng mga banyaga.
Ayon kay Undersecretary Gilbert Cruz ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), handa ang mga South Korean officials na tumulong sa pagsasanay ng mga pulis sa wika. Aniya, mas madali ang pagresolba ng krimen kung may tulong mula sa komunidad, lalo na sa mga dayuhang naninirahan sa Pilipinas.
May mga naitalang kaso ng nakawan, panloloko, at homicide laban sa ilang Korean nationals. Pero hindi lahat ay gawa ng mga Pilipino—may mga kapwa banyaga rin ang sangkot. “Kung may pulis lang sana sa lugar, baka naiwasan o nahuli agad ang mga suspect,” ani Cruz.
Ang hakbang na ito ay resulta ng meeting sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at South Korea. Magkakaroon ng susunod na pagpupulong para mas mapalawak pa ang plano sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa mga lugar kung saan may malalaking Korean communities.
Bukod sa South Korea, makikipagpulong din ang PAOCC sa mga opisyal mula Estados Unidos at Europa para magbahagi ng best practices sa paglaban sa illegal gambling at iba pang krimen.