
Ang isang tricycle driver ay inireklamo matapos niyang sapilitang dalhin ang isang 16-anyos na dalagita sa isang hotel sa halip na ihatid sa bahay nito sa Antipolo City, Rizal. Ayon sa ulat, nangyari ito pasado alas-3 ng madaling araw habang pauwi ang dalagita mula sa kanyang part-time job.
Habang nasa biyahe, bigla umanong nag-U turn ang driver at niyaya ang pasahero na mamasyal muna. Nang tumanggi ang dalagita at humiling na ibaba siya, mas binilisan pa raw ang takbo ng tricycle. Dahil dito, natakot na siya at hindi alam ang gagawin. Sa CCTV, makikitang hinawakan pa siya sa braso ng driver at sapilitang pinasok sa isang hotel.
Kwento ng biktima, pinilit pa siyang mag-check in ngunit nang bantaang ire-report ang lalaki, agad siyang iniwan. Narinig din umano ito ng cashier, kaya’t hindi tinanggap ang bayad ng driver. Ayon sa cashier, kahina-hinala ang kilos ng lalaki kahit sabihing "syota niya" raw ang dalagita.
Agad humingi ng tulong ang dalagita sa kanyang pamilya, at nagtungo sila sa barangay para magpa-blotter. Sa tulong ng TODA, nakilala ang tricycle driver at nakikipag-ugnayan na ang pamilya sa pulisya para sa pagsasampa ng kaso.
Paalala ng mga awtoridad, kung may kahina-hinalang kilos ang driver ng PUV, kuhanan agad ng body number o plaka at ipadala sa kamag-anak o kaibigan para sa kaligtasan.