Ang isang 25-anyos na babae na empleyado ng isang fast food chain sa Tandang Sora, Quezon City ay namatay matapos saksakin ng kanyang dating katrabaho noong Mayo 3, pasado alas-9 ng gabi.
Sa CCTV footage, makikitang kinaladkad ng lalaki ang biktima papasok sa kusina ng store. May dala siyang pat*alim at kutsilyo at ilang beses niyang sinaksak at tinaga ang biktima. Kahit sugatan, sinubukan pang lumaban ng babae at habulin ang suspek, pero muling nag-away ang dalawa hanggang sa naipit siya ng lalaki.
Ayon kay Jarwin Jarapa, opisyal ng Barangay Sangandaan, agad nilang tinawagan ang pulisya matapos makatanggap ng ulat na may nakitang duguang katawan sa loob ng tindahan. Inakala pa ng unang nakakita na nagpakamatay ang babae.
Sabi ng Quezon City Police, ang suspek ay nakilala sa tulong ng CCTV at naiwan niyang ID. Tatlong linggo bago ang krimen, nagalit ang suspek matapos siyang komprontahin ng biktima tungkol sa inventory report. Dahil dito, natanggal sa trabaho ang lalaki.
Ang suspek ay nakapasok pa sa bagong trabaho matapos ang insidente. Ayon sa isang witness, nakita siyang may kalmot sa mukha. Walang nawawala sa gamit ng biktima o sa store kaya hinala ng pulisya ay paghihiganti ang motibo. Patuloy siyang pinaghahanap ng mga awtoridad.