
Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay tumanggi sa mungkahing dagdagan ang bilang ng mga motorcycle taxi sa Metro Manila.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz, kapag nadagdagan pa ito, bababa ang kita ng mga driver ng mga public utility vehicle o PUV. Masisira rin daw ang balanse sa trapiko at hanapbuhay ng iba pang motorista.
Sinabi niya na sapat na ang kasalukuyang limit na 45,000 motorcycle taxis sa Metro Manila. Kung tataasan pa ito, maaring lumala ang trapiko sa lungsod.
Dagdag pa ni Guadiz, ang pagdami ng motor taxi ay posibleng makaapekto sa Public Transport Modernization Program (PTMP). Baka hindi na ito suportahan ng mga pasahero kung mas pipiliin ang motor taxi.
Nilinaw ng LTFRB na sa ngayon, hindi pa ito ang tamang panahon para dagdagan ang mga motorcycle taxi, lalo na kung makakaapekto ito sa kabuhayan ng ibang transport workers.