
Ang lahat ng tourism activities sa Mt. Pinatubo sa Botolan, Zambales ay pansamantalang sinuspinde ng Department of Tourism (DOT). Ito ay matapos maglabas ng Executive Order No. 05 s. 2025 ang local government ng Botolan na nagkakansela ng mga biyahe at programa sa naturang lugar.
Ang dahilan ng suspension ay ang reklamo ng mga Aeta mula Tarlac. Ayon sa kanila, naapektuhan ang kanilang indigenous rights sa lugar. Sabi ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), hinarangan ng mga katutubo ang daanan papunta sa Mt. Pinatubo Center dahil sa kakulangan ng bayad o compensation at hindi pagkilala sa kanilang ancestral domain.
Ilan sa mga katutubo ang hinuli at pansamantalang ikinulong, ngunit agad ding pinalaya. Naglabas ng pahayag ang NCIP na kailangan ng maayos na pag-uusap tungkol sa karapatan ng mga katutubo sa lupa at sa pag-usbong ng turismo sa lugar.
Sinabi ng DOT na kahit mahalaga ang local tourism sa pag-unlad ng ekonomiya, sinusuportahan nito ang desisyon ng lokal na pamahalaan upang maresolba ang isyu. Dagdag pa nila, naiintindihan nila ang alalahanin ng mga Aeta sa Mt. Pinatubo.