Ang isang residential area sa Manuyo Uno, Las Piñas City ay nasunog nitong madaling-araw ng Martes, Mayo 6. Ayon sa Bureau of Fire Protection, umabot sa second alarm ang sunog bandang 4:58 a.m. at na-kontrol ito pagdating ng 5:54 a.m.
Ayon sa isang residente na si Rodolfo Torente, wala silang naisalbang gamit dahil mabilis kumalat ang apoy. Aniya, sa bahay ng kanyang pinsan nagsimula ang sunog at lumang bahay umano ito. “Nanggaling po ‘yon sa bahay ng pinsan ko... lumang bahay kasi,” sabi niya.
Tinangka pa niyang kunin ang ilang gamit pero pinigilan siya ng anak niya dahil isang eskinita lang ang daan palabas at baka hindi na sila makalabas. “Tinawag na ako ng anak ko, kasi wala kaming matatakbuhan,” dagdag niya.
Isa pang residente, si Melodina Bautista, ay ginising ng kanyang anak dahil sa apoy. Habang bumababa siya, nabagsakan siya ng mainit na tela at nasunog ang bahagi ng kanyang ulo. “Pagbaba ko, nabagsakan ako ng parang tela — mainit,” kwento niya.
Naapula ang apoy bandang 7:33 a.m. Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.