
Ang pangarap ay natupad sa pagbubukas ng unang pabrika ng e-jeepney sa Lima Estate, Batangas noong Abril 30, 2025. Pinangunahan ito ni Luis “Chavit” Singson, dating gobernador ng Ilocos Sur. Layunin niyang bigyan ng pag-asa at tulong ang mga jeepney driver sa panahon ng transport modernization.
Ayon kay Singson, ang LCS EMON Lima Factory ay hindi lang negosyo—ito ay proyektong makakatulong sa kabuhayan ng mga driver. Ginaya nila ang klasikong disenyo ng jeepney pero ngayon, ito ay eco-friendly at electric. Ang presyo ng bawat unit ay P1.2 milyon, mas mura kumpara sa ibang e-jeepney na nagkakahalaga ng P2.5 hanggang P3 milyon. Kaya itong mabawi sa 2 hanggang 3 taon ng kita.
Target ng pabrika na gumawa ng 500 units bawat buwan, at kung tataas ang demand, dadagdagan pa ito. Isa pa sa mga benepisyo ng lokal na produksyon ay ang madaling maintenance at availability ng piyesa. Ayon kay Singson, "Kung may masira, kaya nating ayusin agad dito sa Pilipinas."
Habang hinihintay pa ang franchise approval mula sa LTFRB, may international orders na, tulad ng Paraguay na umorder ng 60 units. Plano rin ng kumpanya na palawakin ang operasyon sa Visayas at Mindanao, at magbibigay ito ng trabaho sa halos 100 Pilipino.
Sinabi ni Zaldy Pingay mula sa Stop and Go Transport Coalition, "Si Chavit ay hindi lang nagbibigay ng e-jeepney na mura—binubuhay niya ang diwa ng ating minamahal na jeepney." Dagdag pa niya, "Maraming trabaho ang malilikha sa proyektong ito – simula sa Batangas, palawak nang palawak sa buong bansa.**"