
Ang Land Transportation Office (LTO) ay nag-suspinde ng lisensya ng SUV driver na nasangkot sa nakamamatay na aksidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Linggo ng umaga. 90 araw ang pansamantalang suspensyon habang iniimbestigahan ang insidente.
Iniutos ng Department of Transportation (DOTr) na ang driver ay dapat sumailalim sa drug testing. Ayon sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, ang mga driver na nasasangkot sa aksidente ay kailangang magpa-chemical test gaya ng drug screening. Kung tatanggi, posibleng ma-revoke ang lisensya at pagmultahin.
Sa nasabing aksidente, dalawang tao ang nasawi—isang 28-anyos na lalaki at isang 5-taong gulang na bata matapos araruhin ng SUV ang departure area ng NAIA Terminal 1. Tatlo pang katao ang nasugatan at agad dinala sa ospital.
Naglabas na rin ang LTO ng show-cause order laban sa rehistradong may-ari ng sasakyan. Inatasan din ang driver na isuko agad ang kanyang lisensya.