
Ang dalawang Filipino green card holders ay nakalaya na mula sa custody ng U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE) ngayong linggo. Ayon sa Tanggol Migrante Network, isa sa kanila ay si Michelle, isang ina na may tatlong anak, at isa pang Filipino-Japanese green card holder mula Alaska, na hindi na pinangalanan.
Ibinunyag ng National Alliance for Filipino Concerns na si Michelle ay biktima ng domestic violence at nakaranas ng di makataong pagtrato sa loob ng kulungan tulad ng pagkakaposas ng kamay at paa, hindi maayos na pagkain, at kawalan ng gamot para sa kanyang tumor sa likod ng ulo.
Ayon kay Michelle, ang kanyang pag-aresto sa San Francisco airport noong Pebrero at ang kanyang pananatili sa kulungan ay nagdulot ng matinding stress at trauma, lalo na't iniisip niya ang kanyang mga anak na umaasa sa kanya.
Ang kanyang paglaya ay kasabay ng nationwide day of action noong Abril 30 na inilunsad ng Tanggol Migrante. Layunin nitong hikayatin ang suporta ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga Filipino na nakakulong pa rin sa mga pasilidad ng ICE sa Amerika.
Sinabi rin ng grupo na hindi sila pinansin ng mga konsulado ng Pilipinas sa US, kahit ilang beses silang humingi ng tulong. Ayon sa Tanggol Migrante, ang paglaya ni Michelle ay nagsilbing inspirasyon sa patuloy na laban para sa karapatan at kalayaan ng mga overseas Filipino migrants.