Ang 27-anyos na babae na nagtatrabaho bilang crew sa Turks Shawarma sa Quezon City ay natagpuang patay nitong Linggo ng umaga. Ayon sa pulisya, ang katawan ng biktima na si alyas Lyka ay tadtad ng saksak at nakita sa sahig ng kusina ng tindahan.
Ang itinuturong suspek ay si alyas Eduard, 22-anyos at dating crew ng Turks. Tumakas ito matapos ang insidente. Nahanap sa crime scene ang ilang gamit ni Eduard gaya ng ID, wallet, ATM cards, at P1,000 cash. Mayroon ding dalawang kitchen knife, cellphone, at t-shirt na iniwan.
Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-9 ng gabi noong Sabado, Mayo 3, pumasok ang suspek sa loob ng tindahan. Base sa CCTV footage, sapilitang hinila ni Eduard ang biktima papunta sa kusina at doon siya paulit-ulit na sinaksak bago tumakas.
Ang krimen ay nadiskubre ng katrabaho ni Lyka na si alyas Pastoral, nang pumasok siya kinabukasan para sa kanyang shift. Laking gulat niya nang makita ang biktima na wala nang buhay.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo ng krimen. Hinihinalang personal na alitan o selos ang posibleng dahilan pero inilalalim pa sa pagsusuri ng mga awtoridad.