
Ang isang gusali sa Batasan Hills, Quezon City ay nasunog nitong Martes ng madaling araw, Mayo 6, 2025. Bandang alas-4:05 ng umaga nang magsimula ang sunog sa tatlong palapag na gusali sa Sampaguita Street. Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Quezon City Police District (QCPD), ang ikatlong palapag ay nirentahan ng isang Chinese nitong Abril 3.
Matapos apulahin ang apoy bandang alas-4:42 ng madaling araw, nagsagawa ng clearing operations ang mga pulis. Sa ikatlong palapag, nadiskubre nila ang mga electronic devices at kagamitan tulad ng 3 desktop, 2 CPU, Huawei router, laptop, cellphone, 5,757 SIM cards, at 9 text blasters.
Nakita rin ang Chinese passport sa pangalang alyas “Liu” mula sa Chongqing, China. May isa ring Philippine ID sa pangalang alyas “Christine,” na sinasabing anak ng may-ari ng gusali. Sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration, nalaman na si Liu ay dumating sa bansa noong Pebrero 22, 2025, gamit ang 9G visa at walang record ng paglabag.
Ayon kay PMaj. Jennifer Gannaban ng QCPD, si Liu ay sinasabing nasa bakasyon nang mangyari ang insidente. Base sa initial report ng Anti-Cybercrime Group, si Liu ay kabilang sa mga dating empleyado ng POGO na natanggal na sa trabaho.
5ljwct