Ang sikat na motorcycle vlogger na si Yanna Moto Vlog ay ipinatawag ng LTO matapos masangkot sa viral road rage incident sa Zambales. Ayon sa LTO, kailangan niyang magpaliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin o suspindihin ang lisensya niya dahil sa hindi magandang asal sa kalsada.
Sabi ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II, bilang isang influencer, dapat ay ginamit ni Yanna ang platform niya para sa road safety at hindi sa pagpapakita ng masamang ugali. “Walang mabuting naidudulot ang init ng ulo sa daan,” ayon sa kanya.
Sa video na pinanood ng LTO Social Media Team, makikita si Yanna na inunahan ang isang pick-up, nagpakita ng dirty finger, at nagmura sa driver. Nang kausapin siya ng driver para linawin ang nangyari, patuloy pa rin ang kanyang pagtatalak kahit nakaalis na ito.
Kahit na nag-public apology si Yanna, sinabi ni Atty. Mendoza na tuloy ang imbestigasyon ng LTO. Ayon din kay DOTr Secretary Vince Dizon, seryoso ang gobyerno sa kampanya laban sa mga pasaway at delikadong motorista para masigurong ligtas ang kalsada para sa lahat.