Ang bahay ng mag-asawang negosyante sa loob ng Golf and Country Club sa Dasmariñas City, Cavite ay nilooban nitong Lunes ng madaling araw. Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang lalaki na hinihinalang akyat-bahay matapos pasukin ang kwarto ng mag-asawa habang wala sila.
Base sa CCTV footage, ang suspek ay nakasuot ng blue na t-shirt at brown na shorts, may taas na 5’5” at tinatayang 30 taong gulang. Pumasok ito sa bintana ng comfort room ng bahay bandang alas-1:58 ng madaling araw at kinuha ang ilang gamit.
Naiwan sa bahay ang anak ng mag-asawa, ang yaya, at mga kasambahay habang nasa business trip ang mag-asawa. Sa Flag St., Orchard Estate, matatagpuan ang naturang bahay sa loob ng Golf and Country Club.
Bandang alas-6:00 ng umaga, nadiskubre ng yaya ang pagnanakaw at agad na ini-report sa mag-asawa. Hindi pa tukoy kung ano at magkano ang mga gamit na tinangay ng suspek.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya habang hinihintay ang pagbabalik ng mag-asawa mula sa kanilang biyahe.