
Ang isang health spa sa Scout Chuatoco, Quezon City ay nagulantang matapos hagisan ng granada ng dalawang lalaking sakay ng motor, pasado alas-1 ng hapon ngayong araw.
Base sa CCTV footage ng Quezon City Police District (QCPD), huminto ang riding-in-tandem sa tapat ng spa, at isa sa kanila ang naghagis ng granada papasok sa lugar.
Tumama ang granada sa dalawang motor na nakaparada sa garahe ng spa at agad itong lumiyab. Mabuti na lamang at walang nasaktan o nasawi sa insidente.
Agad namang naapula ang apoy sa tulong ng mga rumespondeng tao at awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng QCPD para matukoy ang motibo at katauhan ng mga salarin sa likod ng pangyayari.