
Ang isang lalaki ang inaresto ng National Investigation Agency (NIA) kaugnay ng car bomb sa Delhi, India na ikinasawi ng walong katao at ikinasugat ng 20 iba pa.
Ayon sa NIA, nakarehistro sa pangalan ng suspek ang sasakyan na ginamit sa pag-atake at pinaniniwalaang may kinalaman sa isang suicide bomber. Naninirahan ang suspek sa Indian-administered Kashmir.
Sumabog ang kotse malapit sa Red Fort Metro Station, isa sa mga kilalang landmark sa Delhi, bandang alas-6:52 ng gabi (local time). Ipinakita sa footage ang natirang sunog na puting kotse at mga nasirang sasakyan, kabilang ang autorickshaw at cycle rickshaw.
Nakuha rin ng NIA ang isa pang sasakyan ng bomber at na-interrogate ang 73 saksi, kabilang ang mga sugatan. Nangako si Prime Minister Narendra Modi na pananagutin ang suspek at ang mga kasabwat nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng kaugnay ng insidente sa nakaraang pag-aresto sa pitong lalaki sa Kashmir at pagkaka-seize ng 2,900kg ng explosives sa suburb ng Delhi.
