
Ang trahedya ay nangyari sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City ngayong Martes, Oktubre 14, kung saan tatlong batang magkakapatid na edad 10, 7 at 5 ang namatay matapos masunog ang kanilang bahay.
Ayon sa kanilang ina na si Jeanine Pauline Miñoza, iniwan nilang mag-asawa ang mga bata na natutulog upang pumunta sa ospital sa Maynila para sa CT-scan ng kanyang inang may sakit.
Nakaligtas ang 53-anyos na lola matapos masaklolohan ng mga bumbero. Itinaas sa ikatlong alarma ang sunog bandang alas-11 ng umaga at idineklarang fire out pasado ala-1 ng hapon.
Tinatayang mahigit 30 pamilya o higit 100 katao ang nawalan ng tirahan at pansamantalang nanunuluyan ngayon sa Sto. Domingo Parish evacuation site.
Patuloy pang iniimbestigahan ng Quezon City Fire District ang sanhi ng nasabing sunog.