
Ang pulisya sa Quiapo, Manila ay nakasabat ng smuggled na puting sibuyas at pekeng sigarilyo nitong Martes. Halaga ng sibuyas ay tinatayang ₱1.35 milyon habang ang pekeng sigarilyo ay nasa ₱600,000, kabuuang ₱1.95 milyon.
Nahuli ang dalawang truck na may kargang sibuyas sa Carlos Palanca Street dahil sa seatbelt violation at maling plaka. Nang inspeksyunin, lumabas na walang lisensya ang isa sa mga driver at may dala itong pekeng dokumento. Umabot sa 1,200 sako ng sibuyas mula China ang karga na papunta sana sa Navotas at Bocaue, Bulacan.
Ayon sa pulisya, maaaring makasuhan ang mga driver dahil sa paglabag sa Consumer Act at iba pang batas. Dagdag pa nila, patuloy ang imbestigasyon para mahuli ang mas malalaking tao sa likod ng smuggling.
Samantala, isang van naman ang nahuli rin sa parehong kalsada na may lamang pekeng sigarilyo matapos mag-tip ang isang kumpanya. Nakuhanan ito ng 8 kahon ng pekeng sigarilyo na aabot sa ₱600,000. Inamin ng driver na peke ang mga produkto at ibebenta sana sa Metro Manila.
Sabi ng pulisya, dapat managot ang mga nasa likod ng operasyon dahil hindi dumaan sa tamang buwis ang produkto. Dapat din maging patas sa mga lehitimong negosyo na nagbabayad ng tamang buwis at sumusunod sa batas.