
Mas pinadali na ngayon ang pag-access sa government services gamit ang eGovPH app. Ayon kay DICT Undersecretary David Almirol Jr, bagong features ng app ang magbibigay-daan sa mga user na ma-avail ang Pag-IBIG, PhilHealth, at Yakap programs, pati na rin ang financial at medical support, nang hindi na kailangang pumila.
Bukod dito, higit sa isang libong LGUs na ang naka-integrate sa app para sa business permit, sanitary permit, at construction permit applications. Nilinaw ni Almirol na layunin ng integration na gawing mas mabilis at mas convenient ang proseso para sa publiko, gamit lamang ang kanilang smartphone.
The eGovAI feature ay live na rin at libre para gamitin, habang ang eGovDocs naman ay nagbibigay-daan sa paperless signing ng government documents. Sa tulong ng digital national ID na may higit 90 million users, mas pinadali ang authentication at nabawasan ang mga pekeng users.
Inihayag din ni Almirol na malapit nang ilunsad ang feature para ma-access ng users ang kanilang diplomas, transcripts, at iba pang government certificates at clearances. Sa kasalukuyan, may 36 million downloads na ang app, lampas sa initial target na 30 million by 2028. Layunin nilang maabot ang 40 million downloads ngayong taon at 60 million users by 2028.
“Kung maalala nyo, sangkatutak ang pila sa government agencies. Ngayon, sa bahay na lang, maayos na ang pag-submit ng documents at biometrics,” dagdag pa ni Almirol. Hinikayat niya ang publiko na direktang gamitin ang app at maging alerto sa mga pekeng websites na nagpapanggap na eGovPH.



