
Sumuko na sa mga awtoridad noong Lunes ng gabi si dating Senador Ramon "Bong" Revilla Jr. matapos lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
Sa isang video statement, sinabi ni Revilla na siya ay naabisuhan tungkol sa warrant at inilahad ang kanyang pagkabahala sa tila kakulangan ng due process.
“Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas po ang aking warrant of arrest. Nakakalungkot po, parang wala po yatang due process,” ani Revilla.
Sa kabila nito, iginiit ng senador na haharapin niya ang kaso nang walang takot at muling inihayag ang kanyang innocence.
“Pero gayun pa man, haharapin ko ito ng walang takot. At alam kong hindi ako papabayaan ng Diyos dahil wala akong kasalanan dito,” dagdag niya.
Ayon sa mga ulat, sumuko si Revilla sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame. Ang Sandiganbayan Third Division ay naglabas ng arrest warrants at hold departure orders laban sa kanya at anim na opisyal ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office. Ito ay kaugnay ng alegasyong malversation sa isang ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Batay sa pahayag ng prosecution, ang mga akusado ay diumano’y nagplano upang maipalabas ang P76 milyon para sa isang flood control project na nagkakahalaga ng P92.8 milyon. Ayon sa mga inspeksyon at testimonya, ang proyekto ay idineklara bilang natapos ngunit hindi naman naipatupad. Nalaman din na may falsified accomplishment reports, pekeng billing documents, at mga disbursement vouchers na ipinasok.
Si Revilla, na dating na-acquit sa plunder charges kaugnay ng PDAF misuse, ay naitalang sangkot sa flood control project matapos igiit ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo na nakatanggap siya ng kickbacks bilang kapalit ng pag-endorso ng mga proyekto.

