
The Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ay muling nanawagan na itigil at ipagbawal ang paggamit ng paputok tuwing Bagong Taon, dahil mga hayop ang pinaka-nagdurusa sa malalakas na ingay at nakalalasong usok. Ayon sa PAWS, taon-taon ay may mga ulat ng nawawalang alaga, nasusugatang aso at pusa, at matinding trauma dulot ng paputok.
Ibinahagi ni PAWS Executive Director Anna Cabrera na mas sensitibo ang pandinig ng mga hayop, kaya mas grabe ang epekto sa kanila kumpara sa tao. May mga naitalang insidente kung saan tumakas ang mga aso dahil sa takot, na humantong sa malubhang pinsala o pagkamatay. Apektado rin ang mga ibon at wildlife, lalo na ang maliliit at mas vulnerable na nilalang.
Binigyang-diin din ng PAWS na delikado ang pag-iwan ng alagang hayop sa labas tuwing may paputok. May mga kasong nasasakal sa tali, tumatakas, o namamatay sa stress ang mga aso. Kadalasan, pagkatapos ng Disyembre 31 dumarami ang ulat ng nawawalang alagang hayop.
Nagbabala rin ang grupo laban sa sadya at malisyosong pananakit, gaya ng paghahagis ng paputok sa mga asong-gala at pusang-gala. Ito ay malinaw na animal cruelty na may kaparusahan na hanggang dalawang taong pagkakakulong at multang aabot sa ₱250,000.
Para sa mga hindi maiwasan ang paputok sa kanilang lugar, payo ng PAWS na ilagay ang alaga sa loob ng bahay, mas mainam sa air-conditioned at well-ventilated na kwarto, malayo sa usok at ingay. Maaaring gumamit ng white noise o musika, maglaan ng ligtas na taguan, at gumamit ng calming o anxiety wraps upang mabawasan ang takot at stress ng mga alagang hayop.


