Ang isang ginang sa Aritao, Nueva Vizcaya ay arestado matapos mahulihan ng shabu na itinago pa sa Bibliya. Natuklasan ito sa isang anti-drug operation na isinagawa ng pulisya at PDEA sa Barangay Bone North.
Nakilala ang suspek bilang si Maria (hindi tunay na pangalan). Nakuha mula sa kanya ang 15 medium plastic sachet ng shabu, bawat isa ay tumitimbang ng tig-1 gramo. Bukod dito, nadiskubre rin ang 3 pang sachet ng shabu na itinago sa Bibliya, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,020.
Nakumpiska rin sa operasyon ang isang cellphone, coin purse, at ilang drug paraphernalia. Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y pagtutulak ng droga ng suspek.
Nahaharap ngayon si Maria sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Samantala, patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang kanyang live-in partner na pinaniniwalaang kasabwat.