Ang aktor na si Vin Diesel ay nagbigay pahiwatig na babalik ang karakter ni Paul Walker bilang Brian O’Conner sa Fast and Furious 11. Ayon sa ulat ng Variety, lumabas si Diesel sa isang event ng car enthusiasts sa Pomona, California kasama sina Tyrese Gibson at Cody Walker.
Ikinuwento ni Diesel na sinabi raw sa kanya ng studio, “Vin, puwede ba nating gawin ang finale ng Fast and Furious sa Abril 2027?” Sagot niya, “Oo, pero may tatlong kondisyon.”
Una, ibalik ang pelikula sa Los Angeles. Pangalawa, bumalik sa car culture at street racing. Pangatlo, pagsamahin muli sina Dom at Brian O’Conner.
Wala pang kumpirmadong detalye kung paano isasama ang yumaong aktor sa bagong pelikula. Namatay si Walker noong 2013 dahil sa aksidente sa sasakyan. Huling nakita ang kanyang karakter sa Furious 7 noong 2015.