Ang dalawang lalaki na sinita sa Parañaque dahil sa paggamit ng unauthorized blinkers ay nahuling may dalang baril, bala, C4 explosive, at mga gamit pang-komunikasyon. Ayon sa PNP-HPG, ginamit din umano ng mga suspek ang pangalan ni First Lady Liza Marcos para sa kanilang extortion scheme.
Kinilala ang mga suspek bilang “Joselito” at “JJ Café.” Nahuli sila habang sakay ng isang Chevrolet Suburban na may protocol plate na kadalasang ginagamit ng mga opisyal ng gobyerno. Nang inspeksyunin ang sasakyan, nadiskubre ang 9mm pistol, bulletproof vest, radios, at C4 explosive.
Ayon kay HPG Director Brig. Gen. Eleazar Matta, tila handa ang mga suspek sa posibleng engkuwentro. Si “JJ Café” umano ay nagpapakilala bilang kamag-anak ng Unang Ginang at kunwaring undersecretary para manghingi ng pera kapalit ng mga permit at approval.
Naulit na pala ito. Sabi ni Ambassador Markus Lacanilao, si Joselito ay dati nang naaresto noong Marso sa parehong modus—pananakot sa isang emission testing center para sa P5 milyon.
Sa ngayon, nakasuhan ang dalawa ng illegal possession of firearms and explosives, usurpation of authority, at extortion. Hinahanap na rin ang ikatlong kasabwat na tumakas sa hiwalay na sasakyan.