Ang dalawang lalaki na nahuli sa Parañaque City dahil sa baril at C4 ay sumailalim na sa inquest, ayon sa PNP-HPG. Nakilala ang mga suspek bilang alias JJ at Lito, at sinampahan sila ng kaso sa City Prosecutor ng Parañaque at Quezon City dahil sa illegal na pagdadala ng armas, explosives, at paggamit ng unauthorized blinker.
Nahuli ang SUV ng mga suspek sa Filipinas Avenue bandang 1:40 p.m. matapos mapansin ng pulisya ang walang plaka, paggamit ng blinker, at kawalan ng dokumento. Sa loob ng sasakyan, nakuha ang Glock 19 na baril, bulletproof vest, mga armas, at pinaghihinalaang C4 explosive. Lumabas din sa beripikasyon na ang sasakyan ay nakarehistro sa kumpanya ni alias JJ.
Ayon kay Lt. Nadame Malang, PNP-EOD/K9 Group ang maglalabas ng ulat tungkol sa C4, habang hinihintay rin ang report mula sa Firearms and Explosives Office kung lisensyado ba ang baril—na sa ngayon ay walang rehistro.
Napag-alaman din sa isang press conference na si alias JJ ay dating nakalusot sa entrapment operation sa Pasay noong nakaraang taon. Konektado umano siya sa extortion, estafa, at land-grabbing sa Bulacan. Pinapalalim pa ang imbestigasyon kung kasapi sila ng mas malaking grupo na sangkot sa mga illegal na gawain.
Nagba-backtrack din ang mga imbestigador sa isa pang SUV na sinasabing kasama ng mga suspek, at posibleng may iba pa silang kasama. PNP-HPG ay patuloy na nagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon.